VOICES

Stories News

Dalawang Guro, Isang Misyon: Pagpapaunlad ng Filipino sa Keys School Manila

Sa tuwing maririnig ng mga mag-aaral ng Keys School Manila ang asignaturang  “Filipino”, dalawang mukha at katauhan ang kaagad na dumarapo sa kanilang gunita—ito ay sina Binibining Mariel Pabilin at Binibining Chloe Cabodil, kapwa mga Tagapag-ugnay sa Kagawaran ng Filipino sa Primarya at Sekondarya ayon sa pagkakasunod. Sinasabi nga ng ilan sa mga mag-aaral na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga gurong nabanggit sa pagpapaunlad nila ng mga kabataan sa Filipino. Ngunit ano nga ba ang kwento sa likod ng pagmamahal at pagpapahalaga nina Binibining Mariel at Binibining Chloe sa Filipino hindi lamang bilang asignatura ngunit lalo’t higit bilang esensya ng kanilang pagkatao? Halina at kilalanin natin sila sa blog na ito kung saan ibabahagi nila ang kanilang mga karanasan bago magpakadalubhasa at ngayong sila na ay mga propesyunal at ganap nang guro sa Filipino. 

Mga retrato nina Binibining Mariel Pabilin (kaliwa) at Binibining Chloe Cabodil (kanan) habang sila ay nasa kani-kanilang mga bakasyon.

© Mariel Pabilin at Chloe Cabodil

Ano o sino ang humimok sa iyo na maging guro sa asignaturang Filipino?

BB. MARIEL: Noong namimili ako ng major, itinanong ko kung anong subject sa basic ed ang magpapadali sa buhay kolehiyo ko. Naalala ko, "Best in Filipino" pala ako sa grade school tapos naging pangulo naman ng Filipino Club sa highschool. Kaya pinili ko ang Filipino bilang major.

Akala ko madali ang Filipino, pero noong nasa program na ako nalaman kong ang hirap pala. Kahit na ganon, nagpatuloy pa rin ako at tinapos ang sinimulan kasi pakiramdam ko, marami ang gustong mag-aral ng Filipino.

BB. CHLOE: Magiging tapat ako. Ang pagiging guro sa Filipino ay wala sa plano ko. Ngunit kung babalikan mula sa pagkabata, ang pagiging guro ng Filipino at Panitikan ang talagang hantungan ko. Lumaki akong nakakakita ng libro sa halos lahat ng sulok ng aming bahay. Lumaki akong nakikita si Papa na nagbabasa kapag wala siyang pasok sa trabaho. Kinahumalingan ko rin ang pagbuklat ng teksbuk ng mga ate ko. Kaya nga maaga kong nalaman ang tungkol sa Ibong Adarna at kay Crisostomo Ibarra. Bagaman tubong Quezon City, pang-aliw rin sa akin noon ang mga kuwento ng katatakutan, iba't ibang kuwentong bayan, at alamat mula sa probinsya ng mga magulang ko. Ang pakikinig sa kanilang kuwento ang pampalipas-oras namin tuwing brown-out sa Metro Manila na talamak noong early 2000s. 

Gayunpaman, masasabi kong naging solid fan ako ng wika at panitikang Filipino nang mabasa ko ang Florante at Laura ni Balagtas. Kulminasyon kasi ito ng mga danas at pagpapahalagang Filipino na lagi't laging hinahanap, dulot nang dantaong kolonisasyon. Mula noon, naging malinaw sa akin kung bakit gustong-gusto kong naririnig o binabasa ang wika at akdang nasa Filipino. Musika ito sa pandinig ko. Kaya nang itulak ako sa programa ng PNU sa Panitikan-Daloy Filipino, buong puso ko itong tinanggap. 

At noong 2016, naging ganap akong guro ng Filipino at Panitikan.

Kasama nina Binibining Mariel at Binibining Chloe ang kanilang mga kapwa-guro sa Filipino na sina Binibining Harlene (Sekondarya) at Ginang Merly (Gurong Tagapag-ugnay sa IB).

© Mariel Pabilin 

Ano ang papel ng wikang Filipino sa paghubog sa mga mag-aaral ng Keys School Manila? May mga hamon ka ba na nararanasan sa pagtuturo ng Filipino? Kung meron, paano mo ito napagtatagumpayan?

BB. MARIEL: Para sa akin, mahalaga ang wikang Filipino sa paghubog ng mga mag-aaral ng Keys dahil tinutulungan sila nitong maipahayag ang kanilang saloobin at damdamin sa paraang tanging mga salitang nasa wika lamang natin ang makapaglalarawan. Pinapanday nito ang kanilang kakayahang makipag-ugnayan sa kapwa at nagiging daan upang sila'y maging mas mapagmalasakit at makatao. Hangad ko na ang wikang Filipino ay maging gabay sa kanila upang magsimula ng positibong pagbabago at pag-unlad para sa ating bansa, sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga kaugaliang Pilipino na nasasalamin sa ating panitikan, awitin, at karanasan.

Isa sa mga hamon na nararanasan ko ay ang pagtuturo sa mga mag-aaral na hindi likas na nagsasalita ng Filipino. Madalas, nahihirapan akong ilapit sa kanila ang mga paksa at gawain. Upang mapagtagumpayan ito, nakikinig ako sa kanila at nakikipagtulungan sa mga kapwa guro at magulang. Pinagsisikapan kong gawing makabuluhan at masaya ang kanilang pag-aaral ng wika.

BB. CHLOE: Malaki ang papel ng wikang Filipino sa paghubog ng mga mag-aaral ng Keys School Manila upang sila ay maging maka-Pilipinong mamamayan sa loob at labas ng paaralan. Mailalapit sa kanila ng wikang ito ang Filipino values na magiging lente nila sa pag-unawa ng napapanahong isyu sa ating lipunan. Kung malay ang ating mga mag-aaral sa mga pagpapahalagang ito, magagabayan sila nito sa pagbuo ng mga desisyon at aksyon para sa ikabubuti ng lahat, at hindi lamang ng iilan. 

Gayunpaman, nananatiling mapanghamon sa akin ang pagtuturo ng wikang Filipino. Madalas akong napangungunahan ng pangamba dahil itinuturo ko ang asignaturang ito sa mga mag-aaral na Ingles ang unang wika. Hamon ding maituturing ang kakaunting oras na mayroon kami para sa exposure ng mga mag-aaral sa wikang Filipino. At bilang pagtatapat, kasalukuyan namin itong pinagdaraanan. Kaya naman, masugid kaming nakikisuyo sa aming mga kapwa-guro, administrador, at mga magulang na paglaanan ng panahon ang exposure sa Filipino ng mga mag-aaral gaya ng panonood ng mga palabas na nasa wikang Filipino, pakikinig ng OPM, at ang masigasig na pagtupad sa Filipino Home Reading Program na naglalayong mapatatag ang kanilang stamina sa pagbasa ng mga akdang nasa wikang Filipino.

Ano ang iyong mensahe sa mga mag-aaral upang mas mahalin at pahalagahan nila ang wikang Filipino?

BB. MARIEL: Nakikita ko ang inyong pagsisikap. Alam kong minsan ay mahirap, ngunit naniniwala ako na kaya niyo ‘yan! Huwag ninyong kalimutan na kayo ay mga Pilipino at mga mag-aaral ng Keys. Ipagpatuloy ang inyong pag-aaral at pagmamahal sa ating wika. Lagi akong nandito para umalalay sa inyo!

BB. CHLOE: Para sa bahaging ito, nais kong hiramin ang mga kataga ni Fr. Roque Ferriols na "Huwag tanungin kung mahirap. Tanungin kung mahalaga." Ang wikang Filipino ay inyong pagkakakilanlan. Tuklasin ito at pag-aralan, para sa panahong kayo na ang mga lider ng bayang ito, inyong maunawaan at matugunan ang pangangailangan ng inyong kapwa-Pilipino.

Ang mga katagang ibinahagi nina Binibining Mariel at Binibining Chloe ay mistulang perkusyong pumipintig sa ritmo ng pagpukaw sa mga diwa na baguhan at hilaw pa sa paggagap ng halaga ng wikang Filipino. Saliw sa pagtawag ng tambol ng mga gurong ito ay buong-buong tibok ng pulso ng pag-asa sa Kagawaran ng Filipino na ang bawat mag-aaral, guro, at pamilya sa Keys School Manila ay tutugon upang makiisa sa indayog ng ating wikang katutubo. Isang pribilehiyo na tayo ay isinilang at namumuhay bilang mga Pilipino, kaya dapat nating ipagmalaki, paunlarin, at yakapin ang kaganapan ng isang malawakang banyuhay sa kung paano natin isabuhay ang wikang tunay na atin. 

More Stories

January 16, 2025
Starting Strong at Keys this 2025: Tips for Students
November 22, 2024
A Day of Smiles, Costumes, and Best Friends: Experiencing Keys Friendship Day by Noey Madulid, Grade 6-Araullo
October 29, 2024
Navigating Your College Journey: A Guide for Keys IB Students
Write for us!